Nasa Bingit ng Pagka-Ninja

Depressed ako. Kaya gumawa na lang ako ng isang maikling storya. Mabilisan ko lang tong ginawa kaya medyo magulo. Oks lang yun. Magulo din naman buhay ko ngayon. Pero wala rin akong masabi. Ngayon lang ulit ako nagsulat ng ganito. Hindi masyadong makabayan tulad ng Bente, o kaya hindi rin masyadong sweet tulad ng “A Letter from Araceli”. Hindi rin kasi ako nagsusulat sa perspective ng lalaki. Haha. Bakit naman? E kasi sa History, laging lalaki ang bida kaya laging babae ang sinusulat ko. Kundi babae, ang persona ko ay third-person o bagay lamang. Ngayon, ang persona ko ay lalaki. Naks. Woks. Ito na.

 

————————————————————————————————————-

Nasa Bingit ng Pagka-Ninja

 

                Naaalala ko pa yung umagang kinakabahan ako kasi ilang araw na lang ay isa na kong ganap ng ninja. Excited ako pero kinakabahan. Hindi ko rin kasi masasabi agad na masaya ako. Ewan ko. Iba ang buhay sa labas, yan ang alam ko at tama ako dun.

                “Hoy. Hindi ba dapat masaya ka?” Patawang sinabi sa akin ng babaeng humaharang sakin at sa liwanag ng araw. Ang itim niyang buhok ay parang ulan na kailanma’y hindi babagsak sa lupa. Ang mga kamay niyang kailanma’y hindi mababahiran ng dugo ng kahit sino. Ang ngiti niyang hindi mabubura ng langit. Ang mga mata niyang tumatagos sa aking kaluluwa. Nakakailang ang tingin niya pero okay na yun dahil si Mira naman yon. “Bakit ka ganyan ngayon? Tara. Celebrate tayo. Tayo ka na dyan.” Pilit niyang inaangat ang ulo ko mula sa namimitig na binti niya.

                “Ayoko nga. Sarap ng higa ko dito.” Ngumiti ako. Hindi ko mapigil.

                Alam niyo, hiniling ko na sana ganito na lang habang buhay pero naisip ko rin na kung titigil ang oras ko dito, hindi ko na matutupad ang mga pangarap ko. Ngayon, nagsisisi ako kung bakit ko pinili ang mga pangarap ko. Alam mo yung pakiramdam na nagkamali ka sa pagtukoy sa mga pangarap mo?

                “Ang arte mo. May ganyan ka pang nalalaman. Oha. Baka iniintay ka na ng mga fans mo dun.” Palokong sabi ni Mira. Ramdam ko naman na nagseselos siya pero lagi ko siyang binabara tuwing nag-iisip siya ng ganun.

                “Wag ka mag-alala. Ilang beses ko bang sasabihin sayo na wala nang kwenta ang dati? Ang importante ay ikaw. Yung ngayon.” Pero ngayon, walangyang yan. Kinain ko rin ang sinabi ko dahil ang nakaraan ay hindi ko mabibitiwan.

                “Ayan ka na naman. Ano bang pinagsasabi mo?” Ang layo ng tingin ni Mira. Doon sa malayo, lagpas araw ang tanaw niya. Ano ba ang pinagsasabi ko? Sorry, kasi hindi ko nasabi ang lahat.

                “Wala. Hmmm. Mira, may tanong ako.” Ngayon, hindi ako nagsisisi sa tanong kong yon.

                “Malulungkot ka ba kapag nawala na ko dito? Syempre mamimiss mo ako. Aba, iba ata ang buhay ninja lalo na sa labas.”

                “Yung totoo?”

                “Oo.”

                “Syempre naman. Kung pwede nga hindi ka na lang magaling. Kaya ka lang naman nila iniidolo at nagugustuhan dahil magaling ka. Hindi man lang nila nakikita yung side mo na…”

                “Na alin?”

                “Wala. Pero promise mo sakin… wag kang titingin sa iba. Sa akin ka lang. Pwede?”

                “Pwedeng-pwede.”

                “Siguraduhin mo ah. Selfish man ang dating pero natatakot akong malaman nila ang pinakamagandang parte ng pagkatao mo.” At oo, sinigurado ko yun. Sa sobrang sigurado, sobrang sakit na niya. “I love you. Mag-ingat ka sa labas ha.”

 

                Ikaw. Naranasan mo na bang tumingin sa langit at sana tumigil na lang ang oras at wag nang lumipas pa? Oo. Ako rin.

 

                Oo. Naalala ko pa yung gabing lumakbay ako sa malayo para ipagtanggol ang mga naaapi at ang aking bayan. Maraming misyon ang aking natapos at napuri ng marami. Oo, sing-bilis ako ng bala ng baril. Oo, sing-dilim ng gabi ang aking pagkatao. Oo, walang masasabi si Naruto sa akin. Oo, hindi na mabibilang ng kamay ang aking nailigtas. Oo, marami akong napasukong masasamang tao. Oo, masasabi kong isa akong magaling na ninja. Oo, sa tingin ko’y tatagal ako sa pagiging ninja. Lahat ay oo pero may isa akong “hindi” sa buhay ko. HINDI. Hindi ko siya naligtas.

                Alam mo yung parang walang sinabi ang pag-ikot mo sa mundo? Alam mo yung para kang nahubaran ng galing? Hindi mo man lang nagamit yun para sa sarili mo. Para bang hindi ka kasing-bilis ng bala ng baril kumilos? Kundi para kang nasa aksyong pelikulang bina-buff sa Megavideo at kung mamalasin ay bigla pang titigil kasi umabot ka na ng 72 minutes. Yung tipong pagdating mo sa lugar na iyon, wala ka nang naabutan. Alam mo yung pakiramdam na naiwan ka sa dilim nung bata ka pa? Yung pipilitin mong makita ang liwanag. Kilala mo ba si Naruto? Bida siya ng isang anime. Ilang taon ko na siyang nakikita sa telebisyon at internet. Hindi siya naglalaho. Bakit? Punyeta. Gusto ko malaman sikreto niya. Alam mo yung pakiramdam na ikaw mismo ang pumatay sa sarili mo para sa kapakanan ng ibang tao? Ni wala man lang pasasalamat mula sa kanila. Alam mo yung pakiramdam kung saan pinagdududahan mo ang sarili mo kung tama ba talaga yung mga desisyon sa buhay?

                Alam mo ba yung pakiramdam na ang mga katotohanang tinatak mo sa utak mo ay nawala? Alam mo ba yung pakiramdam ko nung nalaman kong magiging ninja na rin si Mira? Masayang hindi. Alam mo ba yung pakiramdam ko nung nakita kong nakalatag ang katawan niyang bugbog sa tabing-ilog? Yung buhok niyang parang ulan ay bumagsak na sa lupa. Yung kamay niyang hindi ko akalain na mababangisan ng dugo ng ibang tao… Tama. Walang ngang dugo ng ibang tao… sarili niyang dugo ang mismong dumadaloy sa kamay niya mula sa dibdib na may nakabaong nilasong balaraw. Ang mga labi niyang nakangiti ay natakpan ng dugong nagmula sa bumulang bibig. Ang mga mata niya’y wala nang buhay. Wala nang buhay para tignan pa ang kaluluwa kong naliligaw sa pagkawala niya. Isa sa mga masasakit na ginawa ko? Ang pilit ipikit ang mga mata niya. Sa desisyong iyon, alam kong yoon na ang huling pagkakataon para masilayan ang mata ni Mira.

                Oo. Hiniling ko na sana tumigil na lang ang oras. Bakit? Baka nabago ko kagad ang pangarap ko noon. Iba pala kasi. Siya pala ang pangarap ko pero hinayaan ko lang siyang maiwan doon. Ganoon kaimportante ang nakaraan. Hindi ko man lang nasagot ang I love you niya. Hindi ko man lang pinatagal yung mga sandaling iyon. Alam mo yung pakiramdam na handa mong saluhin yung bulalakaw basta pagkamatay mo ang langit mo ay yung panahon gusto mo. Pag ako binigyan ng pagkakataong saluhin yung bulalakaw, pigilin ang pagputok ng bulkan, harangin ang tsunami o itago ang ipo-ipo sa garapon; pipilin ko ang panahon kung kailan niya unang sinabi ang “I Love You” sa akin at… at…kung saan ako’y nasa bingit ng pagka-ninja.




Page 1 of 1
Design by Craig Snedeker